Alpas

To break free


00:00 o’clock

Paano kung sa hindi inaasahang pangyayari ay may dumating na hindi mo aakaling dadating sa iyong buhay? Na sa gitna ng pagsuko mo ay may pinadala sayong magbibigay ng pag asa para sa manatili sa mundong ito? Pero paano kung ito ay ipinahiram lamang at kunin agad sa’yo? Ano ang gagawin mo?

Ako si Samuel Montero, ako ay bente singko anyos at bunso sa magkakapatid. Ako ay nagtratrabaho sa isang restaurant bilang isang waiter. Ako ang bumubuhay sa aking mga magulang sapagkat ang aking mga kapatid ay may kanya kanya ng asawa. Ang aking sweldo ay limang daan lamang sa isang araw ngunit kailangan ko pa itong pag kasyahin sapagkat bumibili pa ako ng gamot para sa aking ama. Ang aking ama ay dating isang trycicle driver ngunit natigil na sapagkat nagkaroon ito ng sakit sa puso. Ang aking ina naman ay hindi na rin makapagtrabaho sapagkat laging umaatake ang rayuma nito.

Sa pag uwi ko sa bahay galing trabaho nakita ko ang aking ama na nag iinom kasama ang kanyang mga kumapre.

“Tay, tama na po iyan, at makakasama Po iyan sa puso ninyo.” ani ko sabay agaw ng baso na may lamang alak sa kanyang kamay. Napatingin sakin ang mga kasamang umiinom ni itay kaya tinubuan ako ng hiya sa aking katawan. Ngunit hindi ko maiwasang mag aalala kay itay sapagkat sabi ng doktor ay mas lumalala ang sakit nya.

“Eto, eto yung anak ko mga kumpare, masipag ‘to at lagi kaming inaalagaan di tulad ng mga kapatid n’ya na nakapag asawa lang di na kami tinulungan,” lasing na sabi ni papa sabay akbay sa aking balikat.

“Tara na itay, tulog na po tayo at maaga pa tayong pupunta sa doktor mo bukas” yaya ko kay itay at inalalay s’ya papunta sa aming bahay.

“Pasensya na po at kailangan na po kasing magpahinga ni itay,” paghingi ko ng paumanhin sa mga kainuman ni itay.

“Ayos lang iho, papaubos na rin naman na to at kailangan narin naming mauwi, sige mauna na kami,” sabi nung isa nilang kasama kaya tumango na lamang ako at ngumiti.

“Nandito ka na pala Samuel” bungad ni inay pagkapasok namin ni itay sa aming bahay.

“Opo inay, masakit po ba ulit ang likod n’yo? Mamaya po at hilutin ko pagkatapos kong maihatid si itay sa kanyang kwarto,” ani ko sa aking inay dahil naabutan ko s’yang hinihilot ang kanyang likuran.

Nang maihatid ko si itay ay nagpunta ako kay inay upang hilutin ang kanyang likod.

“Salamat nak” ngiti sa akin ni inay.
“Wala yon nay, sabihin n’yo lang kung saan masakit at hihilutin ko. Oh s’ya inay, matulog na po kayo at malapit ng tumilaok ang ating mga manok.” biro ko kay inay at inaalalayan s’ya tumayo papunta sa kanyang kwarto.

Pagkatapos non ay nagpunta agad ako sa aking kwarto at tiningnan ang orasan. Malapit na pala ang hating gabi. Hindi ko namalayan na nakaidlip na pala ako. Sa pagsapit ng hating gabi, nagising ako nang narinig ko ang pagtangis ng aking ina. Agad-agad akong lumabas sa kwarto at nagpunta sa kwarto ng aking magulang. Nakita ko ang aking ina na nakaupo sa sahig habang hawak ang kamay ng aking itay.

“Anong nangyari nay?” natatarantang kong tanong at nilapitan si ina.
“Ang tatay mo samuel, ang tatay mo, iniwan n’ya na tayo, iniwan n’ya na ako. Paano na tayo anak? Paano na ako?,” humihikbing saad ng aking ina. Hindi pa maproseso ng aking utak ang mga nangyayari nang sandaling yon. Hinihiling na sana masamang panaginip lamang ito at maari akong magising at mabago ang lahat ng ito.

Hindi nagtagal ay agad rin akong iniwan ng aking ina. Sa labis na kanyang pagkalungkot nang nawala ang aking ama ay hindi n’ya na ito nakayanan. Dumating ako sa aming bahay at nadatnan ko ang aking inang nakahiga sa sahig at nagkalat ng ilang mga gamot. Hindi ako makagalaw sa aking kinatatayuan nang oras na iyon. Hindi ko matanggap na basta-basta nalang nila ako iniwan ng ganon.

Tumingin ako sa paligid at napagtanto na nandito pa rin pala ako sa restaurant na aking pinagtatrabahuan. Nakatulog pala ako. Napatitig ako sa aking orasan at nagpagtanto na hating gabi na pala. Isang misteryoso para sa akin ang lahat sapagkat sa tuwing sumasapit ang hating gabi ay tila binabalik nito ako sa mapait kong nakaraan.

Habang naglalakad ako ay napansin ko ang isang babaeng naka bestida. Mahaba ang buhok nito at makinis ang kutis. Na kapag nakita mo ‘to ay aakalain mong multo. Nakatayo ito sa waiting shed at nakatulala sa kawalan. Nais ko sana itong lapitan ngunit baka matakot ito sapagkat hating gabi na ay may gising pa rin sa oras na ito. Napapitlag ako sa aking kinatatayuan nang tumingin ito sa aking direksiyon. Napatitig ako sa kanyang mga mata, ang kanyang mga mata ay para akong hinihipnotismo. Napaawang ang aking labi ng makita ko ang kabuuan ng kanyang mukha. Ang kanyang matang kasing itim ng kalangitan at ang kanyang labi na kasing kulay ng rosas.

Ngumiti ito sa akin at labis ang pag bilis ng tibok ng aking puso.
“Bakit gising ka pa sa oras na ito?” malumanay nyang tanong sa akin.
” Nagising ako dahil sa masamang panaginip” sagot ko at nakita kong bahagya s’yang ngumiti.
“Kung ganoon ay parehas pala tayo” Saad n’ya.
“Ano pala ang iyong pangalanan?” tanong ko sa kanya.
“Soledad. Soledad ang aking pangalan. Ikaw, ano ang iyong pangalan?” balik niyang tanong sa akin.
“Samuel ang aking pangalan. Ang ganda ng iyong pangalan bagay sa mahinhin at mabait na tulad mo.”

Habang tumatagal ay magiging malapit kami sa isa’t isa. Nagkikita kami tuwing hating gabi dahil sa mga masama naming mga ala-ala. Nag kwekwentuhan sa waiting shed habang tinitingnan ang mga dumadaang sasakyan.
Ngunit habang tumatagal kaming magkasama ay lumalalim rin ang aking nararamdaman sa kanya. Dahil habang nakakasama ko s’ya ay pakiramdam ko nabuhay ulit ako. Binigyan n’ya ulit ng liwanag ang madilim kong mundo. Binigyang ilaw lahat ng mapait na ala-ala. Ngayon ko lang ulit ito naramdaman, ang pakiramdam na gusto mo pang magpatuloy sa buhay. Dahil simula nang mawala sila inay at itay ay parang nawalan na akong gana mabuhay. Pero ngayon, hindi ko sasayangin ang pagkakataon.

Ngayong araw napagkasunduan namin magkita sa waiting shed, Kung saan lagi kaming nagtatagpo. Alas dose rin nang gabi o sabi nga nila hating gabi. Habang naghihintay sa kanya ay di ko maiwasang kabahan sapagkat ngayon ako aamin ng aking nararamdaman sa kanya. Nais kong malaman n’ya kung gaano kalalalim ang aking pagmamahal pagdating sa kanya. Naalis ang kaba sa aking dibdib nang makita ko s’yang tumatakbo papalapit sa akin. Ngunit labis ang aking pagtataka nang makita ang labis na pagkabahala sa kanyang mga mata at halong takot. Sasalubungin ko sana s’ya nang may sumigaw sa hindi kalayuan.

“SOLEDAD, ASAN KA AT HALIKA DITONG BATA KA!!! NAMIMIHASA KA NA” malakas na sigaw ng. Agad kong hinanap ang may ari ng boses na iyon at nakita ko ang isang lalaki at may hawak itong baril habang tumitingin sa paligid. Bumilis ang tibok ng aking puso at agad nilapitan si Soledad.

“Ano ba ang nangyayari? Sino iyon? Bakit ka n’ya hinahanap?” natataranta kong tanong at hinawakan s’ya sa kamay upang magtago. Hindi s’ya sumagot at humagulgol lang nang humagulgol. Iningat nito ang kanyang ulo at biglang nanlaki ang mga mata.
“SAMUELLL” sigaw nito na nagpagulat sa akin. Ipinagpalit n’ya ang aming pwesto at naramdaman ko ang mainit na likidong dumadaloy sa aking kamay. Muntik nang magdilim ang aking mga mata ng makita kong dugo ito. Ito ay dugo ni Soledad. Tila wala akong maramdam at marinig, miski ang tunog ng siren ng sasakyan ng mga pulis at ambulansya, hiyaw ng mga tao, ay hindi ko marinig.

“S-soledad” Tawag ko sa pangalang hindi ko aakalaing kay sakit palang sambitin. Tiningnan ko ang kanyang mga matang papapikit na. Kahit nanghihina ito ay inilapit n’ya pa rin sa akin ang kanyang bibig at bumulong.

“Patawad Samuel, maghihintay lagi ako sa pagsapit ng hating gabi, mahal ko.” mahinang Saad n’ya at tuluyan nang pumikit ang mga mata. Tumunog ang aking telepono at nakita ang orasan, 00:00 o’clock, iyan ang nakalagay.
“Paalam Mahal ko, maghihintay ako hanggang sa bumalik ka.” bulong ko sa walang buhay n’yang katawan habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha.

Habang ngayon ay naghihintay pa rin ako sa aming tagpuan, sa eksaktong pagsapit ng hating gabi, hinihiling na sana s’ya ay sumipot. Ngunit wala, wala ni isang anino n’ya ang nagpapakita. Sa pagsapit ng hating gabi, tatlong mahal ko ang kinuha sa akin. Sabi nila ang hating gabi ay nagsisilbing panibagong bukas para sa atin. Pero paano kung ang hating gabi ay nagsisilbing paalala sa akin kung paano ako nawalan ng pag asang humarap sa panibagong bukas.

Sa eksaktong 00:00 o’clock, nagpunta ulit ako sa aming tagpuan, ngunit habang ako ay tumatawid ay may mabilis na sasakyang papalapit sa akin. Nais ko itong iwasan ngunit para saan pa? Pumikit ako at dinama ang hangin, hindi alintana ang papalapit na sasakyan. Tumingala ako sa kalangitan at nakita ang tatlong maliliwanag na bituin at sa unang pagkakataon ay napangiti ako ulit. Malakas na pwersa ang tumama sa aking katawan. Napahiga ako at walang ibang maramdaman kundi ang sayang umaapaw sa aking dibdib. Hindi alintana ang mga taong sumisigaw ng tulong. Sa pagbukas ulit ng aking mga mata, nakita ko ang aking ina at ama na nakangiti sa akin. At sa kanilang tabi ay nakita ko ang pinakamamahal kong matagal ko nang hinihintay. Tumakbo ako papalapit sa kanya at niyakap siya nang mahigpit.

“Tumupad ka sa pangako mo, Mahal ko” malumanay niyang sambit. Hindi ako nakapagsalita at niyakap lang s’ya nang mahigpit.

“Hating Gabi na, halina kayo” sambi ni inay. Kaya agad-agad kaming lumapit dalawa at magkahawak-hawak kamay at sumama sa liwanag. Na kung saan sama-samang haharapin ang panibagong bukas at pagsubok na ibabato samin ng mundo.



Leave a comment

About Me

This website is only for academic purposes.

Newsletter

Design a site like this with WordPress.com
Get started